TUGUEGARAO CITY- Maghahain na umano ng kanyang vacation leave ang isa sa 12 finalists ng Bombo Music Festival ngayong linggo para siguradong makadalo siya sa grand performance night ng BMF sa Iloilo sa Enero ng 2020.
Sinabi ni Edwin Dimaculangan, isang accountant sa California, USA excited na siya para sa nasabing event.
Kaugnay nito, sinabi ni Dimaculangan na literal ang pakahulugan ng kanyang composition na “Mahirap Gumawa ng Kanta”.
Sinabi niya na nang makita sa website ang song writing competition ng Bombo Radyo Philippines ay inilabas niya ang dati na niyang ginawang kanta na hindi pa niya natatapos.
Subalit, dahil sa hirap siya talaga na tapusin ang kanta at ang melody nito ay naisip niya na gumawa na lang kanta tungkol sa emosyon na naramdaman ng mga panahon na nahirapan siyang tapusin ang nauna na niyang ginawa.
Sinabi pa niya na may konting kwento din ito tungkol sa dalawang nagmamahalan.
Sinabi pa ni Dimaculangan na mahilig talaga siyang gumawa ng mga kanta at sumali sa mga competitions.
Nabatid pa sa kanya, na mayroon siyang interpreter para aawit sa kanyang composition sa grand performance night sa Iloilo.
Gayonman, nagbahagi pa rin siya ng ilang linya ng kanyang kanta.