
Lalong tumitindi ang kaguluhan sa Nepal matapos na pahiyain ng mga galit na galit na protesters si Finance Minister Bishnu Prasad Paudel, kung saan tinanggal ang kanyang mga damit at hinabol siya hanggang sa tumalon siya sa ilog.
Isa ito sa dramatic episode sa nagaganap ngayon na kaguluhan sa Nepal.
Nangyari ang insidente ilang oras matapos na silaban ng mga demonstrador ang ilang bahagi ng parliament building, na nagpapakita sa matinding galit ng publiko na sumiklab na sa buong bansa.
Ang mga protesta na pinangunahan ng mga kabataan o “Gen Z” movement, ay dahil sa kanilang pagkadismaya sa lumalang economic crisis, mga alegasyon ng malawakang katiwalian at walang reporma sa pulitika.
Inaakusahan ng mga nagpoprotesta ang senior leaders ng hindi tamang pamamahala sa kanilang bumabagsak na ekonomiya, tumataas na presyo ng mga pagkain, tumataas na bilang ng mga walang trabaho, at pagkadismaya sa tumataas na pagkakautang.
Mabilis na kumalat sa social media ang ginawang pagpapahiya sa finance minister, na lalong nagpapakita na hindi kontrolado ng pamahalaan ang sitwasyon.
Nagtalaga ang army ng Nepal ng mga magpapatrolya sa mga lansangan sa kabisera na Kathmandu upang mapahupa ang sitwasyon.
Ito at matapos na naging marahas ang mga protster na nagbunsod para magbitiw ang kanilang punong ministro, matapos na sirain at yurakan ng mga ito ang ilang government buildings at sinunog ang parliament.
Umaabot na sa 30 katao ang namatay at mahigit 1,000 ang nasugatan sa mahigit dalawang araw na kaguluhan.
May kasaysayan ang Nepal ng political violence sa loob ng maraming dekada, kabilang ang 2001 massacre ng hari at reyna ng crown prince, at ang matagal nang civil war sa Maoist guerrillas.
Kalaunan ay nahalal ang Maoist leaders sa assembly na bumoto na ideklara na isang republika ang bansa noong 2008, matapos ang 239 na taon na pamamahala ng royal family.