Sinuportahan ni Finance Secretary Ralph Recto ang panawagan na ipagbawal ang Philippine offshore gaming operator (POGO) firms bunsod na ng mga kontrobersiya na bumabalot dito dahil kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sinabi ni Recto na wala siyang tutol sa nasabing panawagan dahil maraming nang POGOs na hindi naman talaga mga POGOs dahil iba ang ginagawa ng mga ito.

Reaksion ito ni Recto sa panawagan ng mga senador kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagbawal na ang POGOs dahil banta umano ang mga ito sa pambansang seguridad at koneksion sa organized crime.

Ito ay kasunod din ng kaso ng POGO firm Zun Yuan Technology in Bamban, Tarlac na sinalakay ng mga otoridad at kalaunan ay iniugnay kay Guo matapos na lumabas ang kanyang pangalan sa local permit application at electricity bills na binayaran para sa nasabing POGO.

Kaugnay nito, sinabi ni Recto na magbibigay siya ng payo kay Pangulong Marcos sa tamang panahon kaugnay sa panawagan na ipagbawal na sa bansa ang POGO.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, tutol naman ang PAGCOR na ipagbawal ang POGOs.

Sinabi ng PAGCOR na hindi ang pagbabawal sa industriya ang tamang tugon sa mga hamon sa nasabing sektor.

Iminungkahi ng PAGCOR na kailangan lamang na magkaroon ng regulatory reform at mahigpit na monitoring at mas maayos na interagency coordination at data sharing.

Una nang nagpatupad ang PAGCOR ng regulatory forms para mapabuti ang POGO regulation tulad ng pagtataas sa capitalization requirement para sa license applicants.