
Pinangunahan ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos ang pagbubukas ng Bagong Bayani ng Mundo – OFW Serbisyo Caravan sa Dubai noong Sabado, kung saan nagkaloob ng tig-P100,000 cash assistance sa humigit-kumulang 60 Overseas Filipino Workers na may sakit na cancer.
Ang tulong-pinansyal ay mula sa pinagsamang pondo ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration.
Ang aktibidad ay bahagi ng paghahanda sa nakatakdang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Abu Dhabi sa Enero 13, kung saan inaasahang lalagdaan ang mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at United Arab Emirates upang palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Pinangunahan din ng First Lady ang ribbon-cutting ceremony kasama ang mga opisyal ng DMW, OWWA, at Philippine mission sa UAE.
Isinagawa ang Serbisyo Caravan noong Enero 10 at 11 sa Conrad Hotel sa Dubai at magpapatuloy sa Enero 13 sa Philippine Embassy sa Abu Dhabi.
Ito ang ikatlong yugto ng programa sa loob ng pitong buwan, at inaasahang aabot sa 5,000 OFWs ang makikinabang sa iba’t ibang serbisyong ibinigay ng siyam na ahensya ng pamahalaan, kabilang ang dokumentasyon, social protection, at digital government services.
Ang mga benepisyaryong pasyente ay may iba’t ibang uri ng cancer, tulad ng brain, breast, at gall bladder cancer.
Ayon sa DMW, P75,000 ng tulong ay mula sa ahensya habang P25,000 naman ang mula sa OWWA. Layunin ng tulong na makatulong sa gastusin sa gamutan, partikular sa chemotherapy, na may mataas na halaga sa UAE.










