Nakalabas sa pagkakaditine sa Tuguegarao police station ang isang security guard na nakasagi sa dalawang fish stalls at apat na sasakyan gamit ang armored car ng isang bangko kagabi.
Sinabi ni PCapt. Anna Marie Anog, information officer ng PNP Tuguegarao, sa initial investigation, galing ng Balzain ang guwardiya at dumaan sa Macapagal Avenue sa Centro 11 o Balzain East, kung saan dito niya binangga ang dalawang fish stalls.
Dumiretso ang armored car sa Rizal street, Centro 9, kung saan dito naman niya nasagi ang isang kotse, dalawang e-bike at isang motorsiklo.
Dahil dito, nag-flash alarm ang PNP Tuguegarao at hinabol ang armored car hanggang sa masukol ito sa Buntun.
Batay sa pahayag ng security guard, pabalik na umano siya sa kanilang opisina nang mangyari ang insidente.
Sinabi ni Anog na pinalaya ang guwardiya matapos ang kanyang reglamentary period at dadaan na sa regular filing ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Ayon kay Anog, dalawa pa lamang ang nagtungo sa kanilang himpilan na nagreklamo laban sa nasabing guwardiya.
Kaugnay nito, sinabi ni Anog na hinihintay pa nila ang resulta ng pagsusuri kung nakainom ng alak ang guwardiya nang mangyari ang insidente.
Bukod dito, inaalam na rin nila kung itinakas o may paalam ang guwardiya sa paggamit ng armored car ng bangko.