TUGUEGARAO CITY-Balik kulungan ang isang fish vendor matapos mahuli sa pagbebenta ng illegal na droga sa bayan ng Solana , Cagayan.

Ayon kay P/capt Jun Jun Balisi, hepe ng Solana Police Station, nagsagawa ng anti-illegal drug buy bust operation ang kapulisan kasama ang Philippine drug enforcement agency (PDEA) laban sa suspek na si Jomar Tejano, 37-anyos at residente ng Brgy. Afusing Daga sa bayan ng Alcala.

Aniya, nakipagkita ang suspek sa Brgy Gadu, Solana mula sa poseur buyer kung saan nang i-abot ng suspek ang isang gramo ng hinihinalang shabu sa pulis ay dito na hinuli si Tejano.

Bukod sa illegal na shabu, nakuha pa sa suspek ang isang brick ng pinatuyong dahon ng marijuana na binalot sa newspaper.

Aniya, umaabot sa P120,000 ang halaga ng mga nakuhang illegal na gamot mula sa suspek na sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng PDEA.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na una na ring nakulong ang suspek sa bayan ng Alcala dahil sa paglabag ng RA 9165 o comprehensive dangerous drug act of 2002.

Tinig ni Pcapt Jun Jun Balisi

Samantala, batay sa salaysay ng suspek sa kapulisan, kinuha umano niya ang mga nakuhang marijuana sa bayan ng Rizal, Kalinga.

Hindi naman umano nabanggit ng suspek kung kanino nito ibibigay ang mga nakumpiskang marijuana kung kaya’t patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para mahuli at mapanagot din sa batas ang mga nagsusupply ng illegal na gamot sa suspek.