Pinagbabawalan ang pangingisda sa karagatang sakop ng Limay, Bataan, bilang precaution sa epekto ng tumagas na langis mula sa MT Terra Nova.

Sa probinsya ng Cavite, kung saan una nang natukoy na inabot ng tumagas na langis, ipinataw na rin ang no-catch zone para sa lahat ng mga shellfish bilang precaution sa epekto ng oil spill.

Sa kabila nito, nananatiling ligtas mula sa petrochemical contamination o epekto ng oil spill ang mga isdang nakulekta sa Tanza, Cavite City, at Naic, batay na rin sa isinagawang sampling ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Tanging ang mga isda na nakulekta mula sa mga bayan ng Noveleta at Rosario, Cavite ang bahagyang nakitaan ng presensya ng petrochemical.

Ayon sa BFAR-Central Luzon, araw-araw na ang isasagawa nitong pagsusuri(sensory evaluation) sa mga nahuhuling isda sa Manila Bay na siinasaklaw ng Region III.

-- ADVERTISEMENT --

Tuloy-tuloy naman ang paalala ng BFAR sa publiko iwasang kumain ng mga isdang kontaminado ng oil spill at agad ireport sa ahensiya kung may ganitong insidente.

Una nang sinabi ng DA-BFAR na inihahanda ng ahensiya ang tulong na maaaring ipagkaloob sa mga mangingisdang apektado sa malawakang oil spill, habang tiniyak din ng Department of Social Welfare and Development na nakahanda itong tumulong sa mga mangingisda.