Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko laban sa mga hindi awtorisadong indibidwal o grupo na nag-aalok ng tulong sa pagproseso ng travel clearance (TC) para sa mga menor de edad na bumibiyahe sa ibang bansa (MTA).

Sa pamamagitan ng Central Processing Office–Minors Travelling Abroad (CPO-MTA), pinaalalahanan ng departamento ang mga magulang at tagapag-alaga na manatiling mapagbantay at maingat sa mga tinatawag na “fixers” na nagsasabing maaari nilang mapadali o mapabilis ang pagproseso ng MTA clearance.

Kaugnay nito sinabi ni Asst. Secretary Irene Dumlao, tagapagsalita ng DSWD na hindi pinahihintulutan ng Departamento ang sinumang ahente ng third-party na magproseso ng mga aplikasyon sa ngalan nito, dahil ang pakikipagtransaksyon sa mga hindi awtorisadong indibidwal ay maaaring ilagay sa panganib ang personal at sensitibong impormasyon ng mga aplikante.

Sinabi ni Dumlao ang kahalagahan ng pagdaan sa tamang proseso sa pag-secure ng TC para sa mga bumibiyaheng menor de edad.

Sa papalapit na summer break, pinayuhan din ng DSWD ang publiko na magsumite ng mga aplikasyon nang hindi bababa sa 30 araw bago ang nakatakdang paglipad upang maiwasan ang mga pagkaantala, huling-minutong pagproseso, at panganib na ma-offload dahil sa kawalan ng DSWD-issued travel clearance o certificate of exemption.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ng taga pagsalita ng DSWD na ang pagtaas ng mga aplikasyon ng travel clearance sa panahon ng bakasyon sa tag-init at hinikayat ang mga magulang at tagapag-alaga na mag-aplay nang maaga.