Halos kalahating milyong piso ang iniwang pinsala sa agrikultura ng biglaang pagragasa ng baha sa coastal barangay ng Divilacan, Isabela dahil sa isang Linggong pag-ulan dulot ng shearline.
Ayon kay Mayor Ventorino Bulan, nasa mahigit P493,000 mula sa sampung barangay ang apektado ng pagbaha sa 70 ektaryang agricultural areas nitong Huwebes ng gabi.
Pinaka-apektado ng biglaang paglaki ng tubig sa mga ilog na rumagasa sa 91 kabahayan at mga bagong pananim na palay ay ang Poblacion o Dimapula na unang beses na nakaranas ng biglaang pagragasa ng tubig dahil sa mga naipong tubig ulan.
May naitala rin landslide sa Brgy Sapinit na nananatiling isolated habang ang Brgy Dilakit, Brgy. Dicambangan at lansangang papunta sa Brgy Dicatian ay nagkaroon din ng malaking pinsala kung saan hindi maaaring makadaan ang anumang uri ng sasakyan.
Nasira din ang nag-iisang tulay na nagkokonekta sa Poblacion at sa anim na Barangay sa isla at dalawang kalabaw ang namatay.
Umaga nitong Biyernes nang nakauwi sa kanilang mga tahanan ang hindi pa mabatid na bilang ng mga apektadong pamilya na inilikas.
Ayon kay Mayor Bulan, nakaambag sa pagtaas ng tubig ang pagiging saturated ng lupa dahil sa tuloy tuloy na pag-ulan at ang malakas na alon sa karagatan kung kaya hindi makalabas ang tubig sa mga ilog, sapa at canal.
Kasabay nito ay nanawagan ang alkalde sa Department of Environment and Natural Resources na payagan ang konstruksyon ng mga access road patungo sa mga coastal barangay ng Divilacan at sa tatlong coastal town ng Isabela para sa kaligtasan ng mga residente at pag-angat ng kanilang ekonomiya.
Bukod sa problema sa mga lansangan ay problema pa rin ang komunikasyon sa isla at bagamat 3 lamang sa 12 barangay ang may kuryente subalit limitado naman ito sa oras.
Umaasa rin ito na matatapos na ang Ilagan-Divilacan Road na magdudugtong sa Ilagan City at apat na mga coastal town ng Isabela na Maconacon, Divilacan, Palanan at Dinapique na maliban sa lakaran ay tanging eroplano at sasakyang pandagat lamang ang paraan para marating ang lugar.