TUGUEGARAO CITY – Isinasailalim na sa pre-emptive evacuation ang mga flood prone barangay o mga residente malapit sa baybayin sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan dahil sa patuloy na epekto ng bagyong “Quiel.”
Katuwang ng lokal na pamahalaan sa paglilikas ng mga residente ang Task Force Lingkod Cagayan dahil sa banta ng mga pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Rueli Rapsing, head ng Task Force Lingkod Cagayan na umapaw ang flood control sa bayan ng Claveria kung saan limang Barangay ang naapektuhan ng pagbaha.
Sinuspinde na rin ang klase sa lahat ng paaralan sa Sanchez Mira dahil sa walang tigil at malakas na pag-ulan na naging dahilan upang mabaha ang ilang mga paaralan.
Impassable na rin ang Kilkiling Road habang nasira ang tulay sa Sitio Surngot sa Brgy. Portabaga, Sta Praxedes.
Sa bayan ng Claveria, 1,069 pamilya o 4,500 katao ang apektado sa 39 Barangay habang nasa 12 pamilya ang apektado ng pagbaha sa bayan ng Pamplona.
Habang nakabalik na sa kanilang tahanan ang 148 pamilya na una nang inilikas kaninang umaga dahil sa nangyaring landslide sa Sta Praxedes.
Naihanda na rin ang mga aluminum boats para sa deployment at pag-tulong sa mga barangay sa Claveria at iba pang bayan sa downstream.