Iginiit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi sapat ang tamang pagtatapon ng basura upang malutas ang patuloy na problema ng pagbaha sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2026 budget ng ahensya, inilahad ni Pampanga 4th District Representative Anna York Bondoc ang matinding epekto ng baha sa kanilang distrito.
Ayon sa kanya, “embudo” na ng basura ang kanilang lugar tuwing may baha, at hindi na epektibo ang mga trash trap sa pagharang ng basura.
Sinabi naman ng DENR na kailangan ang mas malawak at mas sistematikong estratehiya sa pagresolba sa problema.
Ayon kay Undersecretary Carlos Primo David, hindi dapat nakatuon lamang sa imprastruktura ang flood control program.
Kabilang sa mga kailangang hakbang ay ang pangangalaga ng watershed, water impoundment para magamit sa panahon ng tagtuyot, paglinis ng mga daluyan ng tubig, at maayos na land use planning sa mga low-lying areas.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang DENR sa Department of Public Works and Highways para sa pagpapatupad ng river basin development program.
Samantala, inusisa ni Butuan Lone District Rep. Jose Aquino II ang DENR kaugnay sa problema ng illegal logging na patuloy pa ring nakakaapekto sa baha, lalo na sa Region 13.
Ayon kay Undersecretary Joselin Marcus Fragada, bagama’t bahagi pa rin ito ng tinaguriang timber corridor ng bansa, maraming ilegal na aktibidad ang nagaganap sa lugar. Kasalukuyan aniyang nire-review ng ahensya ang polisiya sa log ban upang matiyak ang balanseng paggamit ng likas na yaman at proteksyon sa kapaligiran.