
Patuloy na nakararanas ng pagbaha ang mga residente ng Hagonoy, Bulacan sa kabila ng bilyun-bilyong pisong halaga ng flood control projects na ipinatupad sa bayan.
Ayon sa ulat, mahigit 40 flood control projects ang isinagawa sa Hagonoy mula 2023 hanggang 2025, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3.52 bilyon.
Gayunman, sinabi ni Hagonoy Mayor Rosario Sy-Alvarado Mendoza na 13 barangay ang nakararanas ng high tide flooding araw-araw. Apektado rin ang kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa pagtaas ng tubig at malalakas na hangin.
Natuklasan din sa imbestigasyon na may ilang proyekto sa Hagonoy na itinuring na ghost projects, habang may iba namang hindi pa tapos o hindi gumagana.
Isa rito ang flood gate sa Barangay Iba na ayon kay Hagonoy Municipal Engineer Engr. Eugene Miguel ay hindi pa functional at nakaharang sa daluyan ng tubig. Ang proyekto ay kabilang sa mga ipinatigil habang isinasagawa ang imbestigasyon sa mga flood control project sa Bulacan.
Samantala, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na inaayos na ng ahensya ang mga substandard na proyekto at tinutugunan ang mga problemang naiwan ng mga naunang proyekto.










