TUGUEGARAO CITY – Nasa mahigit 30 ang sugatan sa pagtagilid ng isang pampasaherong bus matapos mawalan ng balanse nang magsalpukan ang Fortuner at kuliglig sa Sta. Maria, Isabela.
| UPDATE: Driver ng kuliglig na sinalpok ng sasakyan sa Cagayan Valley, pumanaw na
| Driver ng SUV na bumangga sa kuliglig at bus na ikinasugat ng 30 tao, kakasuhan
Nabatid na nagtamo ng mga minor injuries ang karamihan sa mga sakay na pasahero ng Florida Bus mula Sta. Ana, Cagayan patungong Maynila na minamaneho ni Eupiniano Pira, 38-anyos ng Barangay Isca, Gonzaga, Cagayan nang mangyari ang aksidente sa Barangay Naganacan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, aksidente sinalpok ng Fortuner na minamaneho ni Jerome Wangdali, 47 anyos ng Sta. Teresa, Iguig ang likurang bahagi ng kuliglig na minamaneho ni Bilyo Danga ng Naruangan, Tuao.
Sa lakas ng pagkakasalpok, umikot ang fortuner at napunta sa kabilang linya ng kalsada hanggang sa tumama sa gulong ng paparating na Florida bus.
Bilang resulta, pumutok ang kaliwang gulong ng bus sa harapan na naging dahilan upang mawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang driver at tumagilid.
Sa ngayon ay nasa ibat-ibang pagamutan sa lungsod ng Tuguegarao ang mga sugatang pasahero ng bus at mga lulan ng kuliglig.
Nagtamo naman ng matinding pinsala ang tatlong sasakyan na nasa kostodiya ng pulisya at isinasailalim na sa imbestaigasyon.