Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na posibleng ideklara ang food emergency security, kung saan ipinunto niya na ito ay sa layuning maibaba ang presyo ng bigas sa bansa.

Sinabi ni Marcos na hinihintay pa nila ang rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPCC), at posibleng matatanggap ito ng Department of Agriculture (DA) sa susunod na linggo, at naniniwala siya na ang rekomendasyon ay magdeklara ng emergency.

Una rito, inaprubahan ng NPCC ang resolusyon na humihiling sa DA na ideklara ang food security emergency para sa bigas, dahil nananatiling mataas ang presyo nito.

Sa ilalim ng Republic Act 12078, ang batas na nag-amiyenda sa Agricultural Tariffication Act, may kapangyarihan ang Agriculture Secretary na magdeklara ng food security emergency sa bigas dahil sa kakulangan sa suplay o extraordinary na pagtaas sa presyo ng bigas.

Ipinaliwanag naman ng Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ma. Cristina Roque, chair ng NPCC, ang hakbang ang magbibigay daan sa NFA na maglabas ng buffer stock ng bigas upang mapatatag ang presyo, na ipapalit sa inilabas na stocks kasama ang mga locally produced rice para suportahan ang mga magsasaka.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na magbibigay din ito ang kapangyarihan sa DTI na magsagawa ng kaukulang hakbang para protektahan ang kapakanan ng mga consumers habang pinapalakas ang agricultural backbone ng bansa.

Sa kasalukuyan, may buffer stock ang NFA na 300,000 metric tons ng bigas.