Plano ng Department of Agriculture (DA) na ideklara ang food security emergency for rice sa Pebrero 4.
Isiniwalat ito ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang ambush interview matapos na matanggap niya ang rekomendasyon mula sa National Price Coordinating Council (NPCC).
Ayon sa kanya, posibleng sa Feb 5, Miyerkules, sisimulan naman ang roll out ng food emergency.
Ayon kay Tiu Laurel, makikipagpulong siya sa National Food Authority, Food Terminal Inc., at Kadiwa para pag-aralan ang mga plano para sa implememntasyon ng rice emergency.
Kasabay nito, sinabi ni Tiu Laurel na makatuwiran ang nasabing food emergency, dahil sa mababawasan ang laman ng mga bodega ng National Food Authority (NFA).
Idinagdag pa niya na tiyak na matutuwa ang mga magsasaka dahil sa makakabili na ang NFA ng kanilang mga ani dahil sa mayroon nang paglalagyan.
Umaasa siya na sa paglalabas ng 300,000 metric tons ng bigas sa mga palengke sa loob ng anim na buwan, ay maiibsan ang presyo ng bigas.
Una rito, inaprubahan ng NPCC ang resolusyon na humihikayat sa DA na ideklara ang “food secuerity emergency for rice” dahil sa nananatili ang mataas na presyo ng bigas.