Idineklara na ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr ang food security emergency on rice.
Ayon sa kalihim na ibinase nito ang deklarasyon base na rin sa rekomendasyon mula sa National Price Coordinating Council (NPCC).
Dagdag pa nito dahil sa nasabing emergency declaration ay maaari na nilang mailabas ang mga rice buffer stocks ng National Food Authority (NFA) para maging stable ang presyo ng bigas.
Dahil dito ay magiging accesible na ang bigas sa mga mamimili.
Inirekomenda ng NPCC, kung saan kabilang ang DA ang deklarasyon dahil sa extraordinary na pagtaas sa presyo ng bigas at umabot na rin sa double digit ang inflation sa nasabing produkto.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) saklaw ang 2023, sinabi ng NPCC na nanatili ang rice inflation sa mataas na 17.9 percent noong Setyembre sa nasabing taon.
Ipinunto pa ng NPCC nanatili ang mataas na presyo ng regular at well-milled rice sa 19 percent at 20 percent, batay sa pagkakasunod noong Disyembre nitong 2024.
Sa ilalim ng inamiyendahang rice tarrification law, may kapangyarihan ang DA Secretary na magdeklara ng food security emergency on rice dahil sa kakulangan sa supply o extraordinary na pagtaas sa presyo, batay sa rekomendasyon ng NPCC.
Kaugnay nito, sinabi ng NFA na mayroon itong 300,000 metric tons na buffer stock ng bigas.
Ayon sa DA, ang kalahati nito ay ilalabas sa susunod na anim na buwan upang matiyak ang sapat na supply para sa emergencies at disaster response.
Ibebenta ang rice stocks ng NFA sa government agencies, local government units at outlets sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo program upang mapababa ang presyo at maprotektahan ang mga consumers mula sa pagtaas pa sa presyo.