
Inihayag ng Local Government Unit (LGU) Aparri na nag-uunahan ang mga dayuhang mamumuhunan na magtayo ng aramang processing center sa kanilang bayan.
Ayon kay Mayor Dominador “Ambo” Dayag, kasalukuyan nilang kausap ang isang Chinese at dalawang Taiwanese businessmen na interesado sa proyekto.
Aniya, sagot ng mga ito ang lahat ng gastusin sa pagpapatayo ng pasilidad, kabilang na ang lupang pagtatayuan nito.
Bukod dito, magtatayo rin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng kaparehong pasilidad sa Aparri, kung saan sagot ng LGU ang isang ektaryang lupang pagtatayuan.
Batay sa datos, ang aramang season sa lugar ay tatlong beses sa isang taon, kung saan umaabot ng 20 boat-full ang idini-diskarga sa loob lamang ng limang araw na pagha-harvest bawat linggo.
Bukod sa aramang, kasalukuyan ding nagsasagawa ng demo project ang LGU Aparri ng sili red plantation katuwang ang isang Taiwanese investor.
Bagaman sagana sa likas na yaman ang Aparri, inamin ng LGU na hirap silang ma-maximize ito dahil sa kakulangan ng teknikal at pinansyal na suporta mula sa pamahalaan.
Umaasa silang masuportahan ng gobyerno ang mga inisyatibo upang ganap na mapaunlad ang lokal na industriya.