Tinatayang nasa dalawang ektarya ang lawak ng nasunog sa bahagi ng kabundukan ng Brgy Langagan, Claveria.

Ayon kay Jovy Biado, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi pa matukoy ang sanhi ng sunog subalit posible na ang pagkalat nito ay dahil sa maraming mga tuyong dahon o sanga ng mga punongkahoy na pinatumba ng nagdaang bagyong Egay.

Dahil sa mataas na lokasyon at matarik ang kabundukan ay hindi nakapagsagawa ang Bureau of Fire Protection ng pag-apula sa apoy na nagsimula nitong Biyernes ng hapon habang kusa naman itong naapula ng madaling araw nitong Sabado.

Gayunman, inobserbahan ito ng mga otoridad kung ito ay kakalat pa at nagbigay babala sa limang pamilya ng mga Agta na nakatira sa paanan ng bundok.