Nagsagawa ng inspeksyon ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) – Cagayan Valley sa mga warehouses ng fertilizer hub sa Isabela upang tiyakin ang sapat na suplay ng abono para sa mga magsasaka sa rehiyon.

Ayon kay Arwin Cardenas, provincial officer ng FPA-Cagayan Valley, layunin ng inspeksyon na suriin kung may sapat na suplay ng mga fertilizers na makakatulong sa mga sakahan.

Bagama’t may mga ipinagkakaloob na abono ang Department of Agriculture (DA), inamin ni Cardenas na hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.

Gayunpaman, tiniyak ng opisyal na may sapat na suplay ng fertilizer para sa kasalukuyang cropping season.

Sa kanilang pag-iikot sa mga warehouse, napag-alaman na maayos ang kalagayan ng mga fertilizer hub sa Isabela.

-- ADVERTISEMENT --

Mula Enero 21 hanggang 23, nakapagsagawa ng inspeksyon ang FPA sa limang warehouses at 42 manufacturing plants sa Isabela.

Bagamat may ilang minor violations na natuklasan, tulad ng hindi paggamit ng paleta, hindi maayos na drainage at ventilations, tanging mga maliliit na isyu lamang ang nakitang lumalabag sa mga regulasyon.

Samantala, wala namang natagpuang pekeng abono o ilegal na pesticides sa mga warehouse.

Siniguro ni Cardenas na patuloy nilang ipagpapatuloy ang pag-monitor upang matiyak ang kaligtasan at kalidad ng mga produktong ginagamit sa agrikultura sa rehiyon.