Pinag-iingat ngayon ng Fertilizer and Pesticide Authority Region 02 ang mga magsasaka sa pagbili ng abono dahil sa paglipana ng ilang pekeng produkto.
Ayon kay Leo Bangad, manager ng FPA-RO2 na kabilang sa mga nakuha nilang sample na natuklasang peke sa isinagawang pagsusuri ay ang Philphos fertilizer na grade triple 14 at 16-20.
Sinabi ni Bangad na makikita sa label ng pekeng abono na mas malinaw ang pagka-imprenta nito kumpara sa original na pagkagawa at hindi rin magkapareho ang texture o kulay ng abono na parang may halong ibang kimikal.
Sa ngayon ay isinasailalim pa sa confirmatory analysis ang komposisyon ng naturang abono upang matukoy kung anong klaseng kimikal ang inihalo rito.