
Hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) na bawiin ang pagkakatalaga sa tatlong abogado na kumakatawan sa mga biktima ng kanyang drug war.
Sa 11-pahinang mosyon na may petsang Pebrero 11, hiniling din ng kanyang kampo na pansamantalang ipasuspinde ang access sa mga rekord ng kaso nina Atty. Joel Butuyan, Atty. Gilbert Andres, at Atty. Nicolene Arcaina habang dinidinig ang kanilang diskwalipikasyon.
Ayon sa depensa, may hadlang sa representasyon at posibleng conflict of interest dahil sa propesyonal na ugnayan ng tatlong abogado, na dati umanong magkakasama sa CenterLaw Philippines.
Iginiit din ng kampo ni Duterte na may tungkuling hindi isiniwalat si Arcaina na maaaring hindi tugma sa kanyang papel bilang kinatawan ng mga biktima.
Nakatakdang simulan ng ICC ang confirmation of charges hearing sa Pebrero 23, 2026.
Sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na pahayag ang mga nabanggit na abogado ukol sa usapin.









