Muling naghain ng waiver si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang hindi na personal na dumalo sa confirmation of charges hearing ng International Criminal Court (ICC) na itinakda mula Pebrero 23 hanggang 27, 2026.

Sa liham na may petsang Pebrero 17 at ipinadala mula sa ICC Detention Centre, iginiit ni Duterte na hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC.

Iginiit din ng dating Pangulo na ang kasalukuyang administrasyon umano ang nasa likod ng kaniyang sapilitang pagdadala sa Netherlands, na tinawag niyang isang uri ng “kidnapping.”

Mariin din niyang pinabulaanan ang mga paratang kaugnay sa umano’y extra-judicial killings, na aniya ay isang “outrageous lie.”

Binanggit din ni Duterte ang kaniyang edad at kalagayang pangkalusugan bilang dahilan ng hindi pagharap sa pagdinig.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, sinabi niyang handa siyang harapin ang anumang kahihinatnan ng kaso at ipinauubaya na lamang sa kaniyang mga abogado ang pagtutol at paghamon sa ebidensyang ihaharap ng prosekusyon, habang nananatiling nakatuon ang kaniyang puso sa Pilipinas.