TUGUEGARAO CITY-Hinimok ni Father Bernice Wynn Rio, Kura Paroko ng Our Lady of Piat ang lahat ng mga Kristiyano lalo na ang mga katoliko na makiisa sa mga isasagawang misa kasabay ng Ash Wednesday o ang pag-uumpisa ng Lenten Season.
Ayon kay Fr. Rio, simbolo ito na tayo ay galing sa abo at babalik pa rin sa abo kung kaya’t ito rin ang panahon para pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at muling magbalik loob sa Panginoon.
Aniya, may tatlong bagay na kailangan alalahanin sa tuwing sasapit ang Ash Wednesday, una ang pagdarasal, pangalawa ang fasting at abstinence o ang pagsasakripisyo sa pagbawas ng mga kinakain at ang paggawa ng mabuti katulad ng pagbibigay ng tulong lalo na sa mga nangangailangan.
Pinayuhan naman ni Fr. Rio ang mga deboto na sundin pa rin ang mga nakalatag na health protocols sa pagpunta sa mga simbahan para makaiwas sa covid-19.
Kaugnay nito, sinabi ni Fr. Rio na babaguhin ang nakaugaliang pagpahid sa noo sa halip ay ilalagay na lamang ang abo sa bunbunan ng isang mananampalataya para maiwasan ang physical contact bilang pag-iingat pa rin sa nakamamatay na virus.