Sasampahan ng National Bureau of Investigation o NBI ng kasong robbery by extortion at paglabag sa Cybercrime Prevention Act si online media network founder Franco Mabanta at apat pang indibidwal kaugnay ng umano’y P300-million extortion case na may kinalaman kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng reklamo hinggil sa umano’y pagbabanta na maglalabas ng mga video laban sa complainant kapalit ng malaking halaga ng pera.

Sinabi ng NBI na nagsimula umano ang negosasyon noong nakaraang taon at muling nabuhay dalawang linggo na ang nakalilipas. Umabot umano sa P350 million ang hinihinging halaga bago ito naging P300 million.

Naging komplikado umano ang entrapment operation matapos tumanggi ang pangunahing suspek na personal na tumanggap ng pera.

Gayunman, natunton ng mga awtoridad ang isa pang lokasyon sa Pasig City kung saan isinagawa ang pag-aresto kina Mabanta at iba pang umano’y kasabwat sa extortion scheme.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng NBI at posibleng madagdagan pa ang mga taong masasangkot sa kaso habang sinusuri ang mga gadgets, social media accounts, at iba pang digital evidence na konektado umano sa Peanut Gallery Media Network o PGMN.

Iginiit naman ng NBI na hindi pag-atake sa press freedom ang kanilang operasyon kundi pagtugon umano sa mga gawaing kriminal na gumagamit ng social media para sa ilegal na pagkakakitaan.