
Isinailalim sa inquest proceedings ng National Bureau of Investigation (NBI) si Peanut Gallery Media Network founder Franco Mabanta at apat pang indibidwal kaugnay ng kasong robbery at extortion laban kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ayon kay NBI spokesperson Palmer Mallari, isinagawa ang inquest kaugnay ng robbery with violence against or intimidation of persons.
Batay sa ulat, inakusahan ang grupo ni Mabanta na sinubukang manghingi ng 300 milyong piso mula kay Romualdez kapalit ng hindi pagpapakalat ng umano’y video na mag-uugnay sa dating lider ng Kamara sa mga maanomalyang flood control projects.
Mariin namang itinanggi ni Mabanta ang mga paratang at sinabing ang operasyon laban sa kanila ay isang set-up. Giit niya, handa silang patunayan ang kanilang pagiging inosente.
Wala pang pahayag ang kampo ni Mabanta kaugnay sa ulat na may nakuhang pera mula sa kanila sa isinagawang operasyon.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso habang nakabinbin ang susunod na hakbang ng piskalya.










