Inireklamo ng isang grupo ng mga mangingisda na kulang at naaantala ang pamahalaang fuel subsidy sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Fernando Hicap ng PAMALAKAYA, marami pa sa mga mangingisda ang hindi nakatatanggap ng ipinangakong ayuda kahit patuloy ang pagtaas ng gastusin sa krudo.

Aniya, ang P3,000 subsidy na nakalaan pa umano sa 2025 budget ay hindi pa rin naipapamahagi hanggang ngayon.

Dagdag ni Hicap, halos tatlong linggo nang tumataas ang presyo ng gasolina na nagdulot ng halos pagdoble ng gastos ng maliliit na mangingisda sa kanilang operasyon.

Dahil dito, nahihirapan umanong pumalaot ang maraming mangingisda at kumita para sa kanilang pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan ang grupo sa pamahalaan na pabilisin ang distribusyon ng ayuda at tiyaking sapat ito upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.