Binigayang diin ng isang international relations expert na malinaw na paglabag sa International Law ang ginagawang full-scale military invasion ni Russian President Vladimir Putin sa Ukraine.

Ayon kay Atty. Arnedo Valera na nakabase sa Estados Unidos, sa kabila ng mga ginawang pagpupulong ng United Nations Economic Security Council upang magkaroon ng madiplomasyang pag-uusap para sa pagpapanatili ng kapayapaan sa pagitan ng Russia at Ukraine ay hindi ito sinunod ni Putin.

Bagkus ay ginamit pa aniya ito ni Putin upang makapaglatag ng mga hakbang na mapasok ng sandatahang lakas ng kanilang bansa ang Ukraine.

Ang unprovoked at non-justified na pagsalakay ng Russia ay nagresulta aniya sa pagkasawi ng maraming inosente.

Punto ni Atty. Valera, ito ay kahayagan lamang na walang intensyong makiisa ang Russia sa usaping pangkapayapaan at nais nitong isulong ang pagkakaroon ng giyera upang masira ang European boarder kasabay ng pagpapakita ng pagiging makapangyarihan at banta sa kapayaapaan sa buong mundo.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa sitwasyon ngayon ng Ukrain ay umapela na rin si president Volodymyr Zelenskyy ng tulong sa iba pang European countries at iba pang mga bansa para sa pagkakaroon ng karagdagang military assistance.

Saad pa ni Valera, mula taong 1945 ay ito na ang pinakamalaking digmaang naganap sa Europa.

Gayonman, naniniwala siya na mahahanapan din ito ng solusyon nginit sa ngayon ay kailangan ding harapin ng United Nations ang pagtulong sa Ukraine hindi lamang sa pamamagitan ng pagkondena kundi pati na rin sa sama-samang pagpapalakas ng puwersa upang malabanan ang pang-aabuso ng Russia.