Kumpiskado ng Bureau of Immigration (BI) ang mga cellphone, tablet, sigarilyo at iba pang kontrabando matapos magsagawa ng inspeksyon sa mga detention facility nito sa Taguig at Muntinlupa.

Isinagawa ang operasyon kasunod ng pahayag ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy na nagkaroon umano siya ng access sa cellphone habang nasa kustodiya ng BI sa loob ng siyam na buwan.

Sa inspeksyon na isinagawa kasama ang NCR Police at Bureau of Corrections, nakarekober ang mga awtoridad ng smartphones, tablets, kahon ng sigarilyo, vapes, gamot, electric fan, extension cords, at pera sa iba’t ibang currency kabilang ang piso, dolyar, at Chinese yuan.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Viado, regular na nagsasagawa ng inspeksyon ang BI at walang espesyal na pribilehiyo ang mga detainee.

Nauna nang inihayag ng Malacañang na tatlong BI opisyal ang sinibak dahil sa paglabag sa protocol kaugnay ng kaso ni Zdorovetskiy.

-- ADVERTISEMENT --

Si Zdorovetskiy ay inaresto noong Abril 2025 dahil sa umano’y pangha-harass sa mga Pilipino at na-deport pabalik ng Russia ngayong buwan.