Kinumpirma ni retired colonel Royina Garma na ipinatupad ng nakalipas na Duterte administration ang tinatawag na “Davao template” sa kampanya laban sa iligal na droga, kung saan ang mga opisyal na sangkot sa mga pagpatay sa mga drug suspects ay binibigyan ng pabuya.

Umiiyak na sinabi ito ni Garma sa kanyang testimonya sa quad committee ng Kamara kahapon habang binabasa niya ang supplemental affidavit tungkol sa drug war.

Sa nasabing affidavit, kinumpirma ni Garma na may tatlong paraan ng pagbabayad ng pabuya-una, para sa bawat suspect na napatay, ikalawa, para sa planado na operasyon, at pangatlo, ibabalik ang ginastos sa operasyon.

Ayon sa kanya, si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kumausap sa kanya para sa paglikha ng national task force.

Hiniling umano sa kanya ni Duterte na maghanap ng opisyal ng Philippine National Police o operative na miyembro ng Iglesia Ni Cristo, dahil kailangan umano niya ang isang tao na may kakayahan na ipatupad ang war on drugs sa pambansang antas.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Garma, sinabi niya kay Duterte na wala siyang kilala na may kuwalipikasyon ng kanyang hinahanap dahil sa hindi pa siya naitalaga sa labas ng Davao.

Gayonman, naalala niya ang kanyang upperclassman na si National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo na dati ring police colonel, miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Iglesia Ni Cristo.

Sinabi niya na binanggit niya kay Leonardo ang Presidente.

Sa nasabi ring araw, may isang indibidual na kinilala niyang si “Muking” ang tumawag sa kanya sa telepono para kunin ang contact details ni Leonardo na kanya namang ibinigay.

Matapos ang isang linggo ay nalaman niya na ipinatawag ni Duterte si Leonardo at sinabing dumiretso sa Mandaya Hotel sa Davao para sa isang pulong.

Ayon sa kanya, sinabihan siya ni Leonardo na mananatili siya ng tatlong araw sa hotel, kung saan sa nasabing panahon ay inatasan umano siya ng Presidente na bumuo ng task force na kapareho ng PAOCTF.

Tinanggihan umano niya ang alok sa kanya ni Leonardo na sumama sa task force.

Ayon kay Garma, sinabi sa kanya ni Leonardo na gumawa na siya ng proposal na naka-detalye ang operasyon ng task force, na idinaan kay Senator Bong Go.

Inamin din niya na siya ang gumawa ng paraan para magkita sina Go at Leonardo.

Sinabi niya na si Leonardo umano ang nagsagawa ng briefings sa lahat ng opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga hepe ng Philippine National Police, at siya ang may otoridad na magsabi kung sino-sinu ang mga nasa watchlist.

Inimbitahan si Garma at Leonardo ng quad committee kaugnay sa mga ulat na sila ay sangkot sa iba’t ibang extrajudicial killings.

Inakusahan sina Garma at Leonardo na utak sa pagpatay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga.