May aasahan na bawas-presyo sa gasolina ang mga motorista sa susunod na linggo. Pero malungkot na balita naman sa mga gumagamit ng diesel dahil magkakaroon ito ng pagtaas sa presyo.

Batay sa resulta ng kalakalan ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at average ng palitan ng salapi sa nakalipas na apat na araw, inihayag ng isang source mula sa industriya ng langis ang tinatayang pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo:

Diesel – P4.00 to P4.50 per liter (hike)
Gasoline – P1.00 to P1.50 per liter (rollback)

Gayunman, sinabi rin ng source na ipinapakita ng mga paunang datos na posibleng bumaba ang presyo ng MOPS sa kalakalan ngayong Biyernes, na maaaring magdulot ng mas mababang pagtaas ng diesel kumpara sa unang pagtaya, at posibleng mas malaki rin ang matapyas sa presyo ng gasolina.

Karaniwang inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang mga pagbabago sa presyo tuwing Lunes, at ipinatutupad ito kinabukasan ng Martes.

-- ADVERTISEMENT --

Ngayong linggo, nagkaroon ng malakihang pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo. Umabot sa P4.76 per liter ang nabawas sa presyo ng gasolina, P9.26 sa diesel, at P10.86 sa kerosene.