Ipinasara ng Department of Energy (DOE) katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Nueva Vizcaya ang isang gasolinahan sa bayan ng Villaverde dahil sa kawalan umano ng kaukulang permiso.
Ayon sa ulat, kinumpiska rin ang ibinebentang petrolyo at mga kagamitan ng gasolinahan na tinatayang nagkakahalaga ng P2.6 milyon.
Dalawang pump attendant ang inaresto sa isinagawang operasyon, habang hindi naman nadakip ang may-ari ng naturang Gas Station.
Batay kay Major Ariel Gabuya, hepe ng CIDG Nueva Vizcaya, nilabag umano ng may-ari ang Batasang Pambansa 33, Section 2-A, na inamyendahan ng Presidential Decree 1865, na nagbabawal sa pagbebenta ng iligal na produktong petrolyo.
Lumabas rin sa imbestigasyon na wala umanong rekord sa DOE ang nasabing gasolinahan at hindi rin nakarehistro ang pangalan ng may-ari sa downstream oil industry retail market sector bilang lehitimong operator o retailer ng liquid fuel outlet.
Aminado naman ang may-ari na kulang sila sa permit. Sinabi niyang hirap silang kumuha ng tamang dokumento dahil wala silang direktang supplier at kumukuha lang ng produktong petrolyo mula sa ibang gasolinahan.
Binigyang-diin ni Major Gabuya na delikado ang ganitong operasyon lalo na’t hindi ito dumaan sa inspeksyon ng DOE at Bureau of Fire Protection (BFP), na maaaring magdulot ng panganib sa seguridad.