Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng fire prevention measures sa mga lokal na pamahalaan kasunod ng sunod-sunod na insidente ng sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na pinalala pa ng nararanasang matinding init ng panahon.

Giit ng Gatchalian, dapat ding paigtingin ang inspeksyon sa mga ilegal na koneksyon ng kuryente ng mga power distributors upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.

Ang panawagan ay isinagawa ni Gatchalian matapos ang kaniyang pagbista sa Barangay Sta. Ana, Taguig City, na kamakailan lamang ay naapektuhan ng malawakang sunog.

Ayon sa mga awtoridad, patuloy ang imbestigasyon sa insidente, kung saan lumalabas sa paunang ulat na posibleng ilegal na power connection o “jumper” ang naging sanhi ng sunog.

Kaugnay nito, nagbigay naman ng tulong si Gatchalian sa mga pamilyang biktima ng insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Kasunod nito, nananawagan din siya sa mga Local Government Unit (LGU), local fire bureau personnel, at mga power distributor na paigtingin ang pagpapatupad ng fire safety measures, kabilang ang regular na safety inspections, upang maiwasan ang sunog.