
Kumpiyansa si Batangas Rep. Gerville Luistro, lead public prosecutor sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na kayang pamunuan ni acting Senate President Sherwin Gatchalian ang inaasahang paglilitis.
Sa isang panayam, sinabi ni Luistro na bagama’t may mga pagbabago sa rules ng impeachment kabilang ang posibilidad na hindi Senate President ang magiging presiding judge, naniniwala siya na may kakayahan si Gatchalian na gampanan ito.
Ayon kay Luistro, maaaring siya mismo ang mamuno sa paglilitis o kaya ay maghalal ang mga senador ng ibang presiding officer, ngunit nananatili ang kanyang kumpiyansa kay Gatchalian dahil sa pagiging masipag at masusing mambabatas nito.
Iginiit din niya na kahit hindi abogado si Gatchalian, kaya nitong pag-aralan ang mga alituntunin ng impeachment trial.
Sa kasaysayan, karaniwang Senate President ang presiding officer sa impeachment proceedings, tulad ng kaso ni dating Chief Justice Renato Corona at dating Pangulong Joseph Estrada.
Sa kasalukuyan, ilan lamang sa mga senador ang abogado, kabilang sina Senators Francis “Chiz” Escudero, Francis “Kiko” Pangilinan, Rodante Marcoleta, Pia Cayetano, at Alan Peter Cayetano.




