Tiniyak ni Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian na hindi na muling maisasama sa 2026 national budget ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) matapos itong magkaroon ng zero allocation sa National Expenditure Program (NEP).

Giit ng senador, “functionally redundant” ang AKAP dahil mayroon nang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at iba pang programang nagbibigay ng katulad na ayuda.

Dagdag pa ni Gatchalian, magiging “sayang at inefficient” lamang ang pondo kung dodoblehin ang naturang tulong.

Kaya nanawagan siya ng suporta mula sa kapwa mambabatas upang hindi na maibalik ang pondo ng AKAP sa bicameral conference.

Imbes nito, iminungkahi na dagdagan na lang ang pondo ng AICS para matugunan ang mga kakulangan sa pagbibigay ng tulong-pinansyal.

-- ADVERTISEMENT --

Ang AKAP, na ginawa para sa mga minimum wage earners, ay naging kontrobersyal noong 2025 dahil sa P26-bilyong alokasyon nito sa General Appropriations Act.

Para sa 2026, wala nang nakalaang pondo rito ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Samantala, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na handa silang sundin ang anumang desisyon ng Kongreso kaugnay sa pinal na pondo.