Inanunsyo ng beauty queen na si Gazini Ganados ang kanyang pagbabalik sa pageant stage matapos ang kanyang pagganap bilang karakter na Celebes sa “Encantadia Chronicles: Sang’gre.”

Sa isang video, ipinakita ang transisyon ni Ganados mula sa kanyang karakter bilang diyosa ng tubig patungo sa pagiging beauty queen matapos makatanggap ng tawag tungkol sa kanyang pagsali sa kompetisyon sa Thailand.

Ayon kay Ganados, handa siyang sumagot sa kanyang “calling” para sa bagong misyon sa Miss Grand International All Stars.

Kasabay nito, sinabi niyang tulad ng tubig, siya ay patuloy na nagbabago ngunit nananatiling malakas at patuloy na umaagos patungo sa mas malaking layunin.

Si Ganados ay kabilang sa 58 opisyal na kandidata na sasabak sa Miss Grand International All Stars, kasama ang iba pang Filipina beauty queens.

-- ADVERTISEMENT --

Ang nasabing patimpalak ay bukas para sa mga babae at trans women na may edad 20 hanggang 40 na dati nang sumali sa international pageants.

Matatandaang nagtapos si Ganados bilang Top 20 semifinalist sa Miss Universe 2019 at nagwagi ng Best National Costume award.