Video interview with Mayor Jefferson Soriano starts at 00:41:40.

Malalaman sa susunod na Linggo ang mga bagong hakbang na ilalatag ng Tuguegarao City Government sa ipatutupad na General Community Quarantine (GCQ) sa pagtatapos ng buwan ng Abril.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na magbabase sila sa guidelines o patakaran na nakatakdang ilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa April 27.

Sinabi ng alkalde na may mga nakahanda nang inisyal na plano ang pamahalaang panglungsod sa pagpapatupad ng GCQ subalit inaantay na lamang nila ang guidelines mula sa IATF.

Bagamat inaasahan sa GCQ ang pagluwag ng kaunti sa community quarantine subalit sinabi ni Soriano na huwag magpakampante dahil may mga ‘probable at suspected cases’ pa ng COVID-19 sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) at inaantay pa ang kanilang mga test results.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng alkalde na paiiralin pa rin ang mahigpit na seguridad sa mga nakalatag na border checkpoint sa Tuguegarao City, lalo na sa mga galing sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ tulad ng Metro Manila.

Samantala, matapos manawagan sa publiko ay may mga nagsauli na at nangakong magsasauli sa mga nakatanggap ng dobleng Social Amelioration Fund (SAP).

Nilinaw naman ng alkalde na kasali sa makakakuha ng P5,500 na ayuda sa national government ang mga Barangay health workers, tanod at daycare workers.

Ito ay maliban pa sa ipamamahagi ng City Government na P2,000 sa mga Barangay officials habang P4,000 sa kapitan.

Sa ngayon ay kasalukuyan pang namamahagi ang city government para sa 2nd wave ng relief goods habang inihahanda na ang pangatlong distribution nito.