Naghain ng kanyang bakasyon si Police Gen. Nicolas Torre III para hintayin ang iba pang developments kasunod ng pagtanggal sa kanya bilang hepe ng Philippine National Police.
Kaugnay nito, sinabi ni Torre na maglalabas siya ng kanyang pahayag para sagutin ang ilang issues may kaugnayan sa biglaang pagtanggal sa kanya sa kanyang posisyon sa susunod na mga araw.
Kinabibilangan na rin ito ng sinabi ni dating PNP chief at Senator Panfilo Lacson na nagmalabis siya sa kanyang kapangyarihan sa balasahan sa mahahalagang opisyal ng PNP.
Sinabi ni Torre lagi naman niyang iginagalang ang opinyon ng sinoman, lalo na mula sa isang dating hepe ng PNP.
Subalit sinabi niya na ang kanyang pananaw ay kung sang-ayon siya o hindi sa mga sinabi ni Lacson, ay isasama na lamang niya sa kanyang mga susunod na pahayag.
Walang tinukoy na petsa kung kailan siya maglalabas ng statement dahil naghain umano siya ng leave of absence.
Kasabay nito, nilinaw ni Torre na wala siyang sama ng loob kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa pagkakatanggal niya sa posisyon dahil isa umano siyang mabait na sundalo.
Samantala, sinabi ni Torre na wala pang inihahayag tungkol sa sinasabing alok sa kanya na government position, kaya wala pa siyang dapat tanggapin o hindi.