
Wala ng buhay nang natagpuan ang isang German national sa loob ng kanyang condominium unit sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal.
Kinilala ng Cainta Municipal Police Station ang biktima na si Tobias Wahl, residente ng Cluster 31, Cambridge Village, na umano’y naninirahang mag-isa sa naturang unit.
Ayon sa ulat, nakaramdam ng masangsang na amoy ang mga kapitbahay ng biktima kaya agad nilang ipinagbigay-alam sa security guard ng gusali.
Nang silipin ng guwardiya ang unit, natagpuan nito ang katawan ni Wahl sa loob ng banyo, kasama ng mga bahid ng dugo at nagkalat na mga gamit.
Agad itong ini-report sa mga awtoridad na ngayon ay nagsasagawa ng imbestigasyon upang alamin ang naging sanhi ng pagkamatay at kung may posibilidad ng foul play.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Embahada ng Germany para sa kaukulang koordinasyon sa kaso.










