Inanunsyo ni bagong talagang DPWH Secretary Vince Dizon na muling isasailalim sa rebidding ang mga flood control projects na natuklasang “ghost” o hindi umiiral, matapos lumutang ang isyu ng mga nawawalang proyekto sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon.

Sa turnover ceremony sa central office ng DPWH sa Maynila nitong Martes, Setyembre 2, 2025, sinabi ni Dizon na kailangang plantsahin ang mga detalye kung paano isasagawa ang panibagong bidding, ngunit aniya, kailangan itong gawin.

Ayon sa nagbitiw na kalihim ng DPWH na si Manuel Bonoan, mula sa halos 9,855 proyekto ng flood control na naiulat na natapos mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025, 15 proyekto ang hindi matagpuan sa aktwal na lokasyon.

Karamihan dito ay nasa First District ng Bulacan, habang ang ilan ay kalat sa ibang rehiyon.

Inihayag rin ng Pangulo na 20% ng P545 bilyong pondo para sa flood control ay na-award lamang sa 15 kontraktor, kung saan lima sa kanila ay may proyekto halos sa buong bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Dizon na hindi niya pahihintulutan ang pamahalaan na maging inutil sa harap ng mga anomalya at nangakong uusigin ang mga sangkot, kasabay ng plano niyang alisin ang internal probe team ng ahensiya at palitan ito ng mas epektibong sistema ng pag-audit at pagsubaybay sa proyekto.