
Bigong makapasok sa quarterfinals ng FIBA U16 Asia Cup ang Gilas Pilipinas Youth matapos matalo sa Bahrain, 79-66, sa qualification round nitong Huwebes.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi umabot sa quarterfinals ang Pilipinas mula nang sumali sa torneo.
Lamang ang Bahrain sa halftime, 42-37, at pinalawak pa ito sa third quarter sa pamamagitan ng 20-13 run para makuha ang 62-50 na kalamangan papasok ng final quarter.
Nagsimulang umarangkada ang Gilas sa huling yugto at naibaba ang lamang sa anim, 72-66, sa huling dalawang minuto. Ngunit hindi na ito nasundan matapos magsalpak ng 7-0 run ang Bahrain para tuluyang selyuhan ang panalo.
Pinangunahan ni Mohamed Adel Abdulla ang Bahrain sa kanyang 22 puntos, habang may tig-15 puntos naman sina Ali Husain Mohamed, Hussain Fuad Moosa Sharaf Ghuloom, at Hassan Oshobuge Abdulkadir.
Si Luisito Joel Pascual lamang ang umabot sa double figures para sa Gilas na may 10 puntos, habang si Jhustin Hallare ay may siyam.
Nagtapos ang kampanya ng Pilipinas na may 1-3 kartada — tanging panalo kontra Indonesia, at talo sa Chinese Taipei, New Zealand, at Bahrain.
Ang dating pinakamababang pagtatapos ng bansa sa FIBA U16 Asia Cup ay ika-7 puwesto noong 2022.