TUGUEGARAO CITY- Iniimbestigahan pa ng pulisya sa bayan ng Piat, Cagayan ang nangyaring pamamaril-patay sa isang ginang.

Sinabi ni PMaj. Florentino Marallag, hepe ng PNP Piat na mayroon na silang dalawang persons of interest sa pamamaril kay Ginang Edna Corpuz, 45 anyos sa Barangay Baong.

Ayon kay Marallag, papunta ang ginang sa kanilang piggery na malapit sa sementeryo ng bigla na lamang siyang may naramdaman sa kanyang katawan at nakita sa lugar ang isang lalaki kaya agad siyang tumawag sa kanyang mga anak.

Nang makarating sa lugar ang pamilya ng ginang ay nakita nilang natumba na siya sa kanyang e-bike at agad siyang dinala sa ospital.

Sa pagsusuri sa ginang ay may nakitang tama ng bala ng baril sa ibaba ng kanyang kili-kili.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Marallag na may nakuha din silang slug ng kalibre 45. sa crime scene.

Ayon kay Marallag, isa sa iniimbestihan nilang motibo ay ang away sa lupa.

Samantala, sinampahan naman ng kasong homicide ang isang lalaki na nakasaksak-patay sa kanyang kapatid sa Barangay Santo Domingo.

Ayon kay Marallag, nagkaroon ng mainitang pagtatalo nang pumunta sa bahay ng kanyang nakatatandang kapatid na si Dionisio Beraquit, 60 anyos si George, 49 anyos.

Dahil dito, kinuha ni Dionisio ang isang patalim at sinaksak ang kanyang kapatid.

Agad na dinala ang biktima sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ng umasikasong duktor.

Sinabi ni Marallag na matagal na umanong may hindi pagkakaunawaan ang magkapatid dahil sa lupa.