Hinuli ang isang 45 anyos na ginang sa Pasig City dahil sa umano’y pagbebenta ng kanyang anak na isang taong gulang sa halagang P8,000.

Sinabi ni Anti-Cybercrime Group (ACG) Brig. Gen. Wilson Asuete, hinuli ng mga awtoridad ang ginang matapos na makita sa social media group na iniaalok niya ang kanyang anak para ibenta.

Ayon kay Asuete, may pitong anak ang ginang, at lahat ay kayna umanong ibinebenta, kung saan tinukoy niya ang initial interview ng pulisya sa suspek.

Nabatid ng ACG na isa sa kanyang anak ay naibenta na.

Idinagdag pa ni Asuete na magkakaiba ang ama ng kanyang mga anak, at wala siyang permanenteng partner.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na tila hindi alam ng ama ng bata ang ginagawa ng ginang.

Ayon kay Asuete, walang trabaho ang ginang at sinabi na hindi na niya kayang suportahan ang kanyang anak.

Sinabi pa ni Asuete na inaalam na ng mga awtoridad ang unang sanggol na sinasabing naibenta na niya at iniimbestigahan kung kanino niya ibebenta ang isa pang anak.

Ipinasakamay ang sanggol sa Pasig City Social Welfare Office, habang ang iba pang anak ng ginang ay nasa kustodiya ng kanilang mga kamag-anak.

Ang suspek naman ay dinala sa Pasig City Police Station at isasailalim sa inquest proceedings sa paglabag sa Republic Act No. 9208, or the Anti-Trafficking in Persons Act, at RA No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.