Nabawi ng isang entry sender ng Bombo Radyo ang ipinadala niyang pera makaraang nabiktima ng text scam na nagsasabing nanalo ang kanyang sim card number sa umanoy christmass raffle ng isang TV show.

Ayon kay Cecille Lasquero ng Solana, Cagayan na isa umanong nagpakilalang abugado ang nagtext sa kanya na kailangan niyang magpadala ng P3,500 upang mailabas ang umanoy P500,000 na kanyang napanalunan.

Inilabas naman ng biktima ang isang buwang sahod nito sa paglalabada at ipinadala ang nasabing halaga ng pera sa ibinigay na pangalan ng scammer nang walang address.

Gayonman, bago pa mailabas ng suspek ang perang naipadala ay nai-hold na ito ng remittance center sa Solana dahil sa kaduda-dudang transaksyon ng biktima na kapareho sa iba pa nilang kliyente noon.

Nagsilbi namang leksyon para kay Lasquero ang pangyayari na huwag agad maniwala sa mga modus ng mga kawatan na nagsasabing nanalo subalit wala namang sinalihang promo.

-- ADVERTISEMENT --