TUGUEGARAO CITY – Maituturing na pangalawang buhay ang pagkakaligtas ng isang ginang mula sa kapahamakan dahil sa naging karanasan nito na palutang lutang sa dagat sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi.

Ito ang hindi makakalimutang pangyayari ni Judith Berbano, 42 anyos at residente ng Brgy. Centro, Abulug kung saan sa naging imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni PCMSgt. Alejandro Romina, imbestigador ng PNP Abulug, nito lamang Hulyo 17 habang nananalasa ang Bagyong Falcon dito sa probinsiya ng Cagayan, napagdesisyunan umano ng biktima at ng kanyang mister na si James Berbano, na magtungo sa Abulug River upang kumuha ng mga kahoy bilang panggatong.

Alas siyete ng umaga ng nabanggit na araw nang magsimulang manguha ng “drifted woods” ang mag asawa gamit ang kanilang maliit na bangka at pagkalipas ng dalawang oras ay hindi nila namalayan na malakas na pala ang agos ng tubig kung saan hindi nakayanan ito ng makina ng kanilang bangka na dahilan para tumaob.

Nagresulta naman ito para matangay ng malakas na agos ng tubig si Judith habang nakagawa naman ng paraan ang mister nito para manatili sa bangka hanggang sa mailigtas ng mga mangingisda sa lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Kaagad namang nagsagawa ng Search and Retrieval Operation ang Municipal at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office katuwang ang Phil. Coast Guard, BFP, mga kapulisan at ilang mangingisda kung saan sinabi ni PMaj. Ronald Balod, hepe ng PNP Abulug na natagpuan si ginang Berbano nito lamang Hulyo 19 ng alas diyes ng umaga matapos ang tatlong araw at dalawang gabing pagkawala nito.

Napadpad ang ginang sa karagatang sakop ng Camiguin Island ng Calayan, Cagayan at tinatayang nasa 80 kilometro ang layo mula sa Abulug River kung saan siya natangay ng agos.

Nakita ang biktima ng mga mangingisda ng bayan ng Aparri sa pangunguna ni Homer Lucas kung saan dinala naman siya sa Brgy Sanja.

Kaagad namang naiparating ang impormasyon na ito sa mga otoridad ng bayan ng Abulug maging sa kaanak ng biktima kung kayat dali namang pinuntahan si ginang Berbano at dinala sa Rural Health Unit sa kanilang lugar.

Samantala, pinuntahan naman ng Bombo Radyo ang survivor na si Judith Berbano na nasa Ballesteros District Hospital at dito kanyang isinalaysay na habang nasa karagatan sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi, wala siyang ibang kahilingan sa Panginoon kundi ang mapadpad sa pampang at mailigtas.

Kinakausap niya rin umano ang dagat, ang ulan, ang mga kahoy maging ang mga isda na huwag siyang iiwanan dahil tanging ang mga ito lamang ang kanyang kasama sa dagat.

Malaki ang pasasalamat niya sa Diyos dahil nanatili siyang malakas at buo ang kanyang paniniwala na mabubuhay sa kabila ng ilang araw na hindi kumain at uminom ng tubig.

Sinabi rin nito na noong maanod na siya ng tubig bandang 10:00 ng umaga ng Hulyo 17, pinipilit niyang lumangoy hanggang sa mag 1:00 na ng hapon nang makakita ng maliit na kahoy na kanyang ginamit para lumutang.

Pagsapit ng bandang 7:00 ng gabi ay pinalitan niya ito ng mas malaking kahoy na siyang gamit niya hanggang sa matagpuan ng tanghali nang Hulyo 19.

Bumabagabag din sa kanyang isipan kung alam na ng kanyang pamilya ang ang nangyari at kung kumusta ang kanyang mister dahil kapwa naman silang lulan ng bangka nang rumagasa ang tubig mula sa ilog.

Sinabi pa ni Ginang Berbano na siya ang unang nakapansin sa mga mangingisda kung kayat sinubukan niyang tumayo sa kahoy at iniwagayway ang water lily at kung matumba ay muli na naman siyang tatayo hanggang sa tuluyan na siyang makita ng mga mangingisda.

Bago tuluyang bumalik sa bayan ng Aparri ang mga nagligtas kay Berbano ay nangisda muna sila sa karagatang sakop ng Camiguin Island.

Kaagad namang ipinagbigay alam ang pagkakaligtas ng biktima sa mga otoridad sa bayan ng Abulug at sa kanyang pamilya.

Samantala, sinabi naman ni James Berbano, mister ni Judith, na bago pa man sila magkahiwalay ay kapwa sila nakakapit sa lubid na konektado sa kanilang maliit na bangka.

Paulit ulit umano silang lumubog at lumitaw sa tubig hanggang sa napansin na natangay na ng malakas na agos ang kanyang misis.

Dali naman niyang itinali ang isang kahoy at ginamit para makapunta sa gilid hanggang sa matulungan na rin siya ng mga mangingisda sa lugar.

Sinubukan naman nilang hanapin ang kanyang misis ngunit hindi na ito makita kung kayat sumama na rin siya sa mga rescuers para sa Search and Retrieval Operation.

Laking tuwa naman niya ng malaman na buhay na natagpuan ang kanyang misis sa karagatang sakop ng Camiguin Island.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo kay Shalymar De Leon, head ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO – Abulug, sinabi niya na magbibigay ang Local Government Unit ng P20,000 sa pamilya ni Judith Berbano.

Nakatakda rin na magsagawa ng stress debriefing hindi lamang kay ginang Berbano kundi maging sa kanyang mister.

Tutulong din umano ang LGU para sa bayarin sa pagpapagamot sa biktima at inaasahan din na may ibibigay ang Municipal Agriculture Office na pangkabuhayan.

Masaya naman umano ang pamilya Berbano nang malaman ang tulong na ito mula sa LGU Abulug.

Samantala, sinabi naman ni Cesar Attang, OIC Brgy Chairman ng Centro, Abulug na hindi sila nagkulang sa pagbibigay ng paalala sa mga residente sa huwag magtungo sa Abulug River lalo na kung malakas ang agos ng tubig para maiwasan ang anumang insidente.

Sinabihan na rin niya ang isa sa kanyang mga kagawad at dalawang brgy tanod na bantayan ang sitwasyon noon ng ilog ngunit sadya umanong nais ng ilang residente na makakuha ng kahoy dahil wala naman silang pinagkukuhanan ng panggatong.

Hihigpitan na rin nila ang kanilang monitoring upang hindi samantalahin ng mga residente ang pumunta sa ilog lalo na kung malaks ang agos ng tubig.

Kinakailangan din umanong mapalawak ang bukana ng ilog para hindi umapaw ang tubig at hindi na aabot sa mga pananim kung kayat ang dredging ang nakikita nitong solusyon.

Ang naging karanasan ni ginang Judith Berbano ay isang paraan para mahikayat ang publiko na sumunod sa mga paalala ng mga otoridad lalo na sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo.

Isa rin itong dahilan para magsilbing aral na huwag mawalan ng pag asa at kinakailangan ang matinding paniniwala sa Diyos sa gitna ng maraming alon na dumating sa ating buhay.// EFREN REYES JR.