Naging matagumpay ang isinagawang pagpapa-anak sa isang ginang sa loob ng tumatakbong ambulansiya ng Bureau of Fire Protectio (BFP) ng Solana, Cagayan.

Sinabi ni Fire Officer 3 Jennilyn Pamittan ng BFP Solana, agad na rumesponde ang kanilang grupo kasama ang dalawang nurse sakay ng BFP ambulance sa Barangay Sampaguita matapos na itawag sa kanila ang sitwasyon ng ginang, 32-anyos.

Ayon kay Pamittan, agad nilang isinakay ang ginang sa ambulance patungong ospital sa Maguiling, Piat, dahil sarado ang birthing center sa nasabing lugar.

Subalit, habang bumabiyahe, nakita ng mga nurse na lalabas na ang sanggol kaya pinaanak na nila ito habang tumatakbo ang ambulansiya.

Ayon kay Pamittan, naging maayos ang pagpapaanak sa ginang sa kabila ng hamon na gumagalaw ang sasakyan at madilim pa dahil nangyari ito ng madaling araw.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Pamittan na itinawag sa BFP ang sitwasyon ng 1:45 ng madaling araw kahapon, at lumabas ang sanggol ng 2:15 ng madaling araw.

Ayon kay Pamittan, ang iminungkahi nilang pangalan ng sanggol ay Ashley, subalit hindi niya batid kung ito ang ipapangalan ng mga magulang.

Idinagdag pa ni Pamittan na ito na ang pang-pitong anak ng ginang.