Pinagbabaril-patay sa loob ng kaniyang bahay habang naghuhugas ng pinggan ang 65 anyos na ginang sa Barangay San Vicente, Umingan, Pangasinan.

Ayon sa pulisya, pinasok ng dalawang salarin ang bahay ng biktima at pinagbabaril habang naghuhugas noon ng pinggan.

Nagtamo ng tama ng bala sa tagiliran at leeg ang biktima na hindi na umabot nang buhay nang dalhin sa ospital.

Tumakas naman ang mga salarin sakay ng motorsiklo.

Nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang isang basyo ng bala na mula sa kalibre .9mm na baril, at isang sumbrero na hinihinalang gamit ng isa sa mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga salarin at sinusuri rin ang mga CCTV camera sa mga lugar na posibleng dinaanan ng mga ito na maaaring makatulong sa imbestigasyon.

Ayon kay Police Major Jimmy Paningbatan, hepe ng Umingan Police Station, inihayag ng mga kaanak na wala silang alam na kaaway at utang ang biktima.

Sinabi niya na sinasabi ng pamilya na personal na galit umano ang dahilan ng pamamaril.

Idinagdag pa ni Paningbatan na may lead na sila sa nasabing kaso, subalit kailangan muna nilang kumuha ng karagdagang detalye.