Inakusahan ang isang 56-anyos na ginang ng paglason at pagpatay sa kanyang 11 asawa sa loob ng 22 taon, subalit sinabi niya na posibleng mas mataas pa ang bilang ng kanyang pinatay, dahil sa hindi umano niya maalala lahat.
Sa loob ng mahigit dalawang dekada, nagawa ni Kolsum Akbari ng Iran na sistematikong makapangasawa ng matatandang lalaki bago niya lasunin ang mga ito ng gamot sa diabetes at industrial alcohol upang mamana niya ang kanilang ari-arian at dowries.
Walang nanghinala na may foul play sa pagkamatay ng mga lalaki dahil sa kanilang edad at sa kundisyon ng kanilang kalusugan.
Pumupunta rin ang ginang sa iba’t ibang lungsod upang maiwasan na makakuha siya ng atensyon.
Nagsimula ang kanyang pagpatay noong 2000 at nagpatuloy hanggang 2023, nang manghinala ang anak na lalaki ng huli niyang biktima, na isang 82-anyos, at inalerto niya ang mga pulis.
Inaakusahan siya ngayon ng pagpatay sa 11 asawa, subalit sinabi ng black widow na posibleng 13 hanggang 15 ang kanyang pinatay na kanyang asawa.
Unang nag-asawa si Kolsum Akbari noong siya ay edad 18.
Sandali lang ang kanilang pagsasama sa lalaki na mayroong mental health problems, subalit hindi rin maganda ang kanyang naging pangalawang asawa.
Pinakasalan niya ang mas matatandang lalaki na may mga anak mula sa mga nauna nilang mga asawa, na madalas siyang minamaltrato.
Nagsimula ang kanyang pagpatay noong mamatay ang kanyang pangalawang asawa.
Nag-iikot siya at sinasabi na handa siyang magpakasal sa matatanda, malulungkot na lalaki, at pagkatapos na makumpirma ang kanilang financial status, pumapayag siya na magpakasal para sa malaking dowries.
Kung mapapatunayan na guilty si Kolsum, posibleng mahatulan siya ng kamatayan.
Ang kaso ay may mahigit 45 na plaintiffs, kabilang ang mga tagapagmana ng kanyang mga biktima.
Ang mga nakuha ng ginang na ari-arian, pera at iba pa mula sa kanyang mga naging asawa ay inilagay niya sa pangalan ng kanyang anak na babae.