
Ipinahayag ng isang ulat ng United Nations na ang mundo ay nasa yugto na ng “global water bankruptcy,” kung saan mas mabilis nang nauubos ang suplay ng tubig kaysa sa kakayahan ng kalikasan na mapunan ito.
Ayon sa UN University Institute for Water, Environment and Health (UNU-INWEH), bunga ito ng matagal na labis na paggamit ng tubig, polusyon, pagkasira ng kalikasan, at climate change.
Dahil dito, maraming ilog, lawa at aquifer ang lampas na sa puntong maaari pang maibalik sa dating antas.
Iminungkahi ng ulat ang terminong “water bankruptcy” upang ilarawan ang sitwasyong ang pangmatagalang paggamit ng tubig ay mas mataas kaysa sa suplay, at nagdudulot ng hindi na maibabalik na pinsala sa kalikasan.
Binanggit sa ulat ang pagliit ng malalaking lawa, mga ilog na hindi na umaabot sa dagat sa ilang bahagi ng taon, at ang pagkawala ng humigit-kumulang 410 milyong ektarya ng wetlands sa nakalipas na 50 taon.
Tinatayang 70 porsiyento ng malalaking groundwater aquifer ang patuloy na bumababa ang lebel, na nagiging sanhi ng mga “day zero” water crises sa mga lungsod.
Pinapalala pa ito ng climate change, na nagdulot ng pagkawala ng mahigit 30 porsiyento ng glacier mass sa buong mundo mula noong 1970.
Ayon kay Kaveh Madani, direktor ng UNU-INWEH, hindi lahat ng bansa ay water bankrupt, ngunit malinaw na ang pandaigdigang krisis sa tubig ay umabot na sa critical level.
Hinimok niya ang mga pamahalaan na tanggapin ang realidad at agad na baguhin ang mga polisiya upang maiwasan ang mas malalang pinsala sa hinaharap.










