
Nagpatuloy sa ika-21 magkakasunod na araw ang effusive eruption ng Mayon Volcano nitong Martes, na nagbunga ng incandescent o kumikislap na lava flow, rockfall, at pyroclastic density currents (PDCs) o mas kilala bilang “uson,” ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa mga larawang ibinahagi ng PHIVOLCS sa social media na kuha mula alas-8:15 hanggang alas-8:17 ng gabi, makikita ang umaagos na nagliliwanag na lava at mga “uson” na bumababa sa mga dalisdis ng bulkan.
Ayon sa ahensya, ang mga lava flow, PDCs, at rockfall ay namataan sa Mi-isi Gully (timog), Bonga Gully (timog-silangan), at Basud Gully (silangan) ng bulkan. Nagbahagi rin ang PHIVOLCS ng time-lapse video ng pagputok ng Mayon mula alas-8:01 hanggang alas-8:08 ng gabi.
Nanatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, at muling nagpaalala ang PHIVOLCS na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ).
Batay sa tala ng PHIVOLCS hanggang Martes ng umaga, nakapagtala ng 272 volcanic earthquakes, 155 rockfall events, at mga PDC. Namataan din ang crater glow, pagbuga ng usok, at patuloy na ground deformation ng bulkan.
Sa hiwalay na pahayag, ipinaliwanag ng PHIVOLCS na regular nitong sinusukat ang mga baseline sa paligid ng Mayon gamit ang electronic distance meters (EDM) upang masubaybayan ang ground deformation.
Patuloy din ang pagmamanman ng PHIVOLCS sa sulfur dioxide emissions ng Mayon. Ang sulfur dioxide ay pangunahing gas na nagmumula sa magma at karaniwang nailalabas habang papalapit ito sa ibabaw ng bulkan.










