Hindi naitago ni Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor ang kanyang pagkadismaya sa umano’y substandard flood control projects na nagkakahalaga ng daang-daang milyong piso, na bumagsak sa kasagsagan ng Southwest monsoon o habagat noong buwan ng Hulyo.

Sinabi ni Dolor na nakakapangilabot ang sinapit ng nasabing proyekto na ilang taon lamang na ginawa.

Ito ay matapos ang ginawa niyang inspeksyon sa flood control project sa Barangay Tagumpay, Naujan, kung saan madalas na umaapaw ang tubig at nagdudulot ng malawakang pagbaha ang Mag-Asawang Tubig River.

Nakita ni Dolor ang maraming bumagsak na bahagi ng road dike.

Lalong nagalit ang gobernador nang malaman niya na gawa lamang sa manipis na semento ang dike, tinapalan lamang ng buhangin na walang steel reinforcements.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, sinabi ni Dolor na sana ay makita ito ng pamahalaan, dahil wala namang baha na napipigilan ang nasabing flood control project.

Paliwanag naman ni Engr. Gerald Pacanan, ang regional director ng Department of Public Works and Highways-Mimaropa, hindi umano kailangan ang steel bars sa nasabing bahagi ng dike dahil hindi ito nakaharap sa ilog.

Ayon sa kanya, ang disenyo sa nasabing bahagi ng proyekto ay masonry, na ibig sabihin hindi nilalagyan ng bakal.

Sa kabila nito, nangako si Pacanan na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa proyekto.

Una rito, sinabi ni Pacanan na sinibak sa kanilang tungkulin ang project engineer at lahat ng personnel na itinalaga sa bumagsak na flood control project sa Oriental Mindoro.

Ayon sa provincial engineering office, nasa limang major flood control projects sa Oriental Mindoro-karamihan sa Bucayao River at Mag-Asawang Tubig River sa Naujan ang bumagsak.